Iginiit ni Senator Nancy Binay na hindi siya napikon nang mag-walk out sa pagdinig ng Senate Committee on Accounts tungkol sa isyu ng New Senate Building (NSB).
Paliwanag ni Binay, umalis siya sa pagdinig matapos na marinig ang sagot ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na wala sa kanilang mga dokumento ang halaga na ₱23 billion na ipinipilit ni Committee on Accounts Chairman Senator Alan Peter Cayetano.
Aniya, iyon lang din ang gusto niyang marinig na kumpirmasyon mula sa DPWH at nagpasalamat siya bago nagdesisyong umalis sa pagdinig.
Dagdag pa ng senadora, ayaw na rin niyang lumala ang sitwasyon at sirain ang imahe ng institusyon na Senado kaya minarapat na lamang niyang kumalas na sa pagdinig dahil kung hindi ay aminado siyang hindi huhupa ang tensyon.
Sinabi pa ni Binay na pananatilihin niya ang kanyang pagiging statesman at magiging civil kay Cayetano dahil hindi dapat maapektuhan ng personal nilang isyu ang mga trabaho nila sa mataas na kapulungan.