Senator Pacquiao, bukas sa imbestigasyon kaugnay sa implementasyon ng health protocols sa kanyang pamimigay ng tulong sa mga biktima ng kalamidad

Bukas si Senator Manny Pacquiao sa imbestigasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa umano’y naging paglabag sa health protocols sa kanyang pamimigay ng tulong at maagang pamasko sa mga taga-Batangas na nabiktima ng kalamidad.

Bukod sa Batangas, namigay rin ng tulong si Pacquiao sa mga biktima ng sunog sa Bacoor, Cavite at sa mga biktima ng matinding pagbaha sa lalawigan ng Rizal at Marikina.

Binigyang-diin ni Pacquiao na sa lahat ng kanyang relief operations ay sinikap nilang ipatupad ng mahigpit ang safety at health protocols na itinakda ng National Task force (NTF) on COVID-19.


Ayon kay Pacquiao, mayroong mga itinalagang marshals sa kanyang mga aktibidad para ipatupad ang social distancing at may pre-inspection din para siguraduhin na ang lahat ay nakasuot ng face masks at face shields.

Sa ilang lumabas na larawan at video ay makikita si Senator Paquiao na namimigay ng mga groceries, bigas at tig-isang libong piso.

Pero ayon sa kanyang kampo, ang mga kumalat na larawan at video ay hindi naman nagre-reflect ng tunay na sitwasyon sa ground dahil sinunod naman nila ang protocols habang sinisikap na mabigyan ng biyaya ang lahat ng nagpunta sa event ng Senador.

Facebook Comments