Hindi apektado si Senator Manny Pacquiao ng kandidatura ng mag-amang Pangulong Rodrigo Duterte at Mayor Sara Duterte-Carpio sa pagkasenador at bise-presidente.
Sabi ni Pacquiao, nirerespeto niya ang desisyon ng mga ito at hindi rin naman bawal sa ilalim ng Saligang Batas ang kanilang pagkandidato.
Sabi ni Pacquiao, wala siya sa posisyon para husgahan ang dahilan ng kanilang pagtakbo sa eleksyon at sa bandang huli ay taumbayan na ang bahalang magdesisyon kung sino ang ihahalal.
Samantala, mariin namang itinanggi ni Pacquiao na basta na lamang siya nagpunta sa Malacañang at kinausap si Pangulong Duterte para humingi ng suporta.
Sabi ni Pacquiao, imposibleng makapasok siya sa Malacañang nang walang appointment.
Kwento ni Pacquiao, inimbitahan siya ni 1Pacman Party-list Representative Eric Pineda para na makipagkita sa pangulo na kaniyang pinagbigyan.
Paliwanag ni Pacquiao, pumayag siyang pumunta sa Malacañang hindi upang humingi ng suporta kundi upang ipakita ang respeto sa ating pangulo pero lumabas na hindi rin pala alam ni Pangulong Duterte na sila ay may meeting.
Pero sabi ni Pacquiao ay sinamantala na rin niya ang pagkakataon para humingi ng paumanhin kung nasaktan ito sa kanyang naging pahayag ukol sa lumalang korapsyon sa bansa.