Nanawagan si Senator Manny Pacquiao kay dating Chief Justice Antonio Carpio na bigyan sya ng pagkakataon na maipakilala ang tunay na sarili at ang kanyang mga saloobin.
Kaakibat nito ay mariing itinanggi ni Pacquiao ang sinabi ni Carpio na siya ay pala-absent.
Nilinaw ni Pacquiao na wala halos o apat lamang ang kanyang absent sa Senado ngayong 18th Congress.
Aminado si Pacquiao na marami siyang absent noong siya ay kongresista na sana ay hindi na ibinabato laban sa kanya dahil siya naman ay nasa kanyang distrito at inaasikaso ang libreng pabahay para sa mga taga-Sarangani at General Santos City.
Sabi ni Pacquiao, ang nabanggit na pabahay ay galing sa kanyang dugo at pawis at personal na pondo na sinimulan noong 2004 na siya hindi pa politiko.
Diin ni Pacquiao, kahit marami siyang naging pagliban sa Kamara ay hindi nya napabayaan ang kanyang trabaho at sa katunayan ay maraming batas siyang ini-akda.
Nilinaw naman ni Pacquiao na nananatili ang kanyang respeto kay Carpio at gagamitin niya ang mga puna nito para mas paghusayin pa ang pagsiserbisyo sa publiko at sa Diyos.