Senator Pacquiao, nagretiro na sa boxing

Nagpaalam na si Senator Manny Pacquiao sa boxing.

Sa 14 na minutong video na ipinost sa kanyang Facebook account, pinasalamatan niya ang Diyos, pamilya, mga kaibigan, media, mga Pilipino at lahat ng sumuporta at tumulong para siya ay magtagumpay sa boxing.

Ayon sa boxing superstar, binago nito ang kanyang buhay at binigyan sya ng oportunidad na mabigyan ng karangalan ang bansa at makapaglingkod sa mamamayan.


Aminado si Pacquiao na hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa malaking tagumpay na nakamit niya sa larangan ng boxing.

Mahirap para sa kanyang tanggapin na tapos na ang panahon niya bilang boxer .

Pero ayon kay Pacquiao, naririnig na niya ang final bell na hudyat na tapos na ang kaniyang karera sa boxing.

Tiwala si Pacquiao na napakarami nating mga potential boxers na mas bata at puno ng pag-asa na makapagdala ng karangalan sa ating bansa kaya panahon na para sila naman ang tulungan.

Si Pacquiao, 42, ay naglaro ng 26 taon, nagkaroon ng 72 laban, 62 dito ang panalo, 8 talo at 2 draws.

Siya ay nakapag-uwi 12 world titles.

Facebook Comments