Naging matagumpay ang motorcade sa General Santos City ni presidential aspirant Senator Manny Pacquiao kung saan siya ay naghagis ng mga t-shirt at tig-isang libong piso.
Namigay rin si Pacquiao ng relief packs at tig P1,000 sa 600 nasunugan sa Purok Saeg, at Brgy. Calumpang.
Sa pamamahagi ng tulong ay kasama ni Pacquiao ang kaniyang buong pamilya kabilang ang kaniyang misis na si Jinkee, si Mommy Dionisia, ama na si Rosalio, mga kapatid na sina Ruel at Bobby na parehong kongresista at hipag na si Lorelei na kandidato naman sa pagka-alkalde sa General Santos City.
Sa press conference naman, sinabi ni Pacquiao na handa siyang makipag-usap sa mga miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan o PDP-LABAN na tumawid sa Cusi wing.
Pero diin ni Pacquiao, hindi na welcome sa kaniya si Energy Secretary Alfonso Cusi.
Ayon kay Pacquiao, aalisin na nila sa PDP-Laban si Cusi na nandadamay pa ng iba sa halip na asikasuhin ang problema sa sektor ng enerhiya ng bansa bilang kalihim ng Department of Energy (DOE).
Mensahe pa ni Pacquiao kay Cusi, sa halip na puro politika ang tutukan ay dapat itong maghanap ng paraan para masolusyonan ang mga problema at mapababa ang presyo ng kuryente.