Senator Pacquiao, nilinaw na hindi siya nag-negotiate sa pagsuko ni Maasim, Sarangani Mayor Jojo Lopez

Manila, Philippines – Nilinaw ngayon ni Senator Manny Pacquiao na hindi siya nakipagnegosasyon para sa pagsuko ni Maasim, Sarangani Mayor Anecito “Jojo” Lopez, Jr.

Ayon kay Pacquiao, nagpadala ng feeler si Lopez sa kanya sa General Santos kaninang tanghali na gusto nitong sumuko ng mapayapa.

Tinanggap naman ito ni Pacquiao pero agad niyang ipinasa si Lopez kay Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA director General Aaron Aquino.


Ayon kay Pacquiao, pinayuhan niya rin si Lopez na harapin ang anumang kasong isasampa laban sa kanya.

Binanggit din ni Pacquiao na bagamat hindi niya kapartido si Lopez ay kilala itong supporter niya.

Pero giit ni Pacquiao, walang maaasahang anumang tulong sa kanya ang sinumang local officials sa kanyang lalawigan na masasangkot sa iligal na droga, koprasyon, at iba pang iligal na aktibidad.

Magugunitang sa raid na isinagawa ng PDEA sa seaside rest house ni Lopez sa Maasim ay nakumpiska ang 5-milyong pisong halaga ng hinihinalang shabu, may nakita rin sa lugar na mini-shabu laboratory, at ‘green book’ na naglalaman umano ng drug transactions nito at money trail.

Facebook Comments