Nagsampa ngayon si Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa Department of Justice ng reklamong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 laban sa lumikha at nasa likod ng YouTube channel na Maharlika.
Giit ni Pangilinan, hindi totoo at libelous o mapanira ang video na inilabas nito laban sa kaniya at sa kaniyang pamilya.
Sa inihaing reklamo ay pinagpapaliwanag ni Pangilinan ang tech giant na Google na nagmamay-ari ng YouTube.
Kinuwestyon ni Pangilinan kung bakit hindi pa tinatanggal at hindi itinuturing na paglabag sa community standards ang mga mapanirang video na naka-post sa Maharlika YouTube channel.
Diin ni Pangilinan, malinaw ang hangarin ng video na sirain ang kaniyang reputasyon bilang isang senador, public sevant at mister ng aniya’y isa sa mga pinakamamahal na celebrities sa bansa na si megastar Sharon Cuneta.
Dahil dito ay binanggit ni Pangilinan na plano rin ng kaniyang misis at anak na si Frankie na maghain ng reklamo laban sa Maharlika.
Unang ipinagharap ni Pangilinan ng reklamong libelo noong July 2021 ang mga YouTube channel na “Latest Chika” at “Starlet” dahil sa kaparehong video na inilabas laban sa kaniya.