Senator Pimentel, nag-alok ng libreng legal advice sa mga mamamahayag na kinasuhan ng libel ni Secretary Cusi

Iginiit ni Senator Koko Pimentel na dapat sama-samang mapigilan ang anumang pagtatangka na pigilan at patahimikin ang mga news media organization.

Mensahe ito ni Pimentel, kaakibat ng kanyang alok na libreng legal advice sa mga media na kinasuhan ng libel ni Energy Secretary Alfonso Cusi.

Ayon kay Senator Pimentel, dahil hindi siya maaaring humarap sa korte o quasi-judicial office sa mga kasong hindi siya sangkot ay legal na payo ang kanyang maibibigay.


Para kay Pimentel ang kasong libel sa maraming mamamahayag na nag-report ng mahalagang impormasyon ay malinaw na may intensyong i-harass o takutin ang media sa pagre-report sa usaping may kaugnayan sa pagbebenta ng share ng Malampaya.

Sabi ni Pimentel, ang kanyang alok na legal advice ay hindi lang sa media kundi sa lahat ng ating mga kababayan na biktima ng panggigipit ng mga umaabuso o lumalabag sa batas.

Facebook Comments