
Kinwestyon ni Senator Panfilo Lacson si Oriental Mindoro 1st District Rep. Arnan Panaligan matapos itanggi ng kongresista na sangkot siya sa maanomalyang flood control project sa lalawigan.
Tanong ni Lacson kay Panaligan, bakit noong una ay inaangkin at ibinida ng kongresista ang proyekto sa kanyang accomplishment report pero nang madawit sa kontrobersiya ay itinatangging kanya ito.
Matatandaang sa privilege speech ni Lacson noong Miyerkules ay tinukoy niya sa kanyang slide presentation ang isang “congressional representative” na si Panaligan na pinost sa social media ang kanyang midterm accomplishment report kung saan nakalista rito ang flood control at river protection na pinondohan ng kanyang opisina.
Ngunit ayon naman kay Panaligan, ang mga proyekto ay nasa National Expenditure Program (NEP) at hindi niya ito proposal.
Naniniwala si Lacson na posibleng may iba pang politiko na tulad ni Panaligan na kaparehong proyekto na hindi lang naipo-post sa social media o hindi kaya’y inalis na ang mga post o billboard ng proyekto.
Pinayuhan ni Lacson ang kongresista at iba pang mambabatas na kung may proyekto sa kanilang distrito ay dapat na bantayan nila ang implementasyon nito kahit hindi sila ang nagpanukala.









