Senator Poe, duda na pakikinabangan ng 95-milyong Pilipino ang pagbawas sa taripa sa imported na karne ng baboy

Hindi kumbinsido si Senator Grace Poe sa sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) at Department of Agriculture (DA) na pakikinabangan ng 95-milyong mga Pilipino ang pagbaba ng taripa sa imported na karne ng baboy.

Ayon sa NEDA, hindi nabawasan ang konsumo ng mga Pilipino sa pork kaya malaking tulong na maibaba ang presyo ng aangkating karne ng baboy sa pamamagitan ng pagbawas sa taripa o buwis nito.

Pero giit ni Poe, imposible ito dahil ngayong may pandemya ay mas marami pa ang nagdidildil na lang ng asin kasi hindi na makabili ng isda at lalong hindi makabili ng pork.


Dahil dito ay duda si Poe na pinag-aralan talaga ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang mga datus na syang basehan ng rekomendasyon na itaas ang volume ng aangkating pork at ibaba ang taripa nito.

Dismayado rin si Poe na gagastusan ng DA ng 45-million pesos ang freezers para sa imported pork sa halip na pondohan ang pagpapalakas sa hog industry at mamuhunan sa kagamitan na makaka-detect ng sakit sa aangkating karne.

Ayon kay Poe, posibleng bukod sa African Swine Fever (ASF) ay may lumitaw na bagong variant nito o bago na namang virus sa hinaharap kaya mahalaga na pondohan ang pananaliksik at pagtatayo ng mga pasilidad para sa pangangailangan at proteksyon ng livestock sector.

Facebook Comments