Senator Poe, humirit sa gobyerno ng ayuda para sa mga tsuper

Pinaalalahanan ni Senator Grace Poe ang pamahalaan na dagdagan pa ang pagsisikap para maibalik ang kabuhayan ng libu-libong jeepney drivers na hindi nakakapasada magmula ng mag-lockdown noong Marso dahil sa COVID-19.

Ayon kay Poe, ito ay dahil nananatiling limitado lang ang bilang ng mga sasakyan na pwedeng bumiyahe bunga ng quarantine protocols na ipinatutupad.

Dahil dito ay iminungkahi rin ni Poe sa national at local governments na tulungan ang mga jeepney organization, na makipag-ugnayan sa mga pribadong kompanya na nangangailangan ng serbisyo para sa kanilang delivery business para kahit paano’y kumita ang mga tsuper.


Ikinalungkot ni Poe na ang mga jeepney driver ang isa sa mga unang naapektuhan ng lockdown pero lumilitaw na sila ang huling nakakatanggap ng ayuda.

Pinangunahan din ni Poe ang isang consultation meeting ng mga kinatawan ng transport federations para dinggin ang kanilang mga hinaing at humanap ng solusyon sa kawalan ng kabuhayan kung saan namahagi rin ang senadora ng relief packs.

Namigay rin ang team ng senadora ng 800 packs ng relief goods sa mga transportation terminal sa Maynila, Quezon City, at Caloocan City.

Sinabi ni Poe na nakaantabay ang transport groups sa pangako ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na papayagan ang tradisyunal na dyip na makabalik sa lansangan dahil hindi naging sapat ang 1,500 modernong dyip na pinayagang makapasada.

Facebook Comments