Senator Poe, pinapatutukan kay General Bato ang pagresolba sa mga kaso ng pagpatay sa halip na pagdiskitahan ang media reports

Manila, Philippines – Iginiit ni Committee on Public Information and Mass Media Chairperson Senator Grace Poe kay Philippine National Police Chief General Ronald Bato Dela Rosa na itigil na ang pakikipagtawaran sa tamang bilang ng mga namatay dahil sa kampanya laban sa iligal na droga at sa tamang terminolohiya kung ang mga ito ba ay dapat tawaging extra judicial killings.

 

Sa halip, ayon kay Poe, dapat pagtuunan ni General Bato ay ang pagresolba sa mga kaso ng patayang nagaganap sa bansa.

 

Ang pahayag ni Senator Poe ay kasunod ng paninisi ng pNp Chief sa media dahil mali daw ang report sa bilang ng mga napatay sa lehitimong operasyon ng pulisya at mali din na sabihing may extrajudicial killings sa bansa.

 

Ayon kay Senator Poe, hindi dapat malihis ang usapin ng pagkakaloob ng katarungan sa mga namtayan dahil sa simpleng away lamang ng tamang bilang ng mga marahas na pinatay ng walang paglilitis.

 

Binigyang diin ni Senator Poe na ang buhay ng bawat Pilipino, lalo na ang mahihirap, ay mahalaga at dapat protektahan ng gobyerno at kapulisan.

 

Kaya naman dapat aniyang matiyak na mapapanagot ang mga nagkasala sa mga kaso ng pagpatay, pulis man ang mga ito o hindi.



Facebook Comments