Bukas si Senator Raffy Tulfo na pag-aralan muna ang isinusulong niyang rationalization ng holiday economics.
Kasunod ito ng apela ng ilang mga ahensya ng gobyerno na pag-aralan muna ang panukala at ilang labor groups na naniniwalang hindi naman napatunayan na beneficial ito sa mga manggagawa.
Sa ilalim ng isinusulong na panukala ni Tulfo, ang mga holiday na tatapat ng araw ng Sabado at Linggo ay pinalilipat sa Lunes para sa long weekend na layong mapalakas ang domestic tourism at mabawasan ang stress ng mga empleyado.
Ayon kay Tulfo, ‘flexible’ at handa siyang makinig sa anumang komento at suhestyon na maibibigay ng mga stakeholders kasama ang business sector tungkol sa isyu.
Katunayan aniya, gusto niya makausap ang mga iba’t ibang mga sektor at maaari silang makapag-ambag ng mga impormasyon na makakatulong para sa ating mga manggagawa.
Sinabi ni Tulfo na kung saan mas makakabenepisyo ang nakararaming mga manggagawa ay doon siya papanig.
Umaasa ang senador na sa gagawing pagaaral at konsultasyon ay baka may maibigay na kompromiso ang gobyerno at mga sektor na mas pakikinabangan ng mga empleyado.