Binigyang-diin ni Senator Risa Hontiveros na dapat pagtuunan ng pansin ng mga otoridad ang nakakaalarmang bilang ng mga babae at batang biktima ng karahasan at pang-aabuso sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Hontiveros, patuloy kasing lumulobo ang bilang ng mga kaso ng domestic violence sa panahon ng pandemya batay sa ulat ng pulisya.
Bunsod nito, inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution No.446 na inaatasan ang Senate Committee on Women, Children, Family, Relations and Gender Equality na alamin kung paano natutugunan ng pamahalaan ang nasabing isyu.
Una ng inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na umabot na sa mahigit 4,200 ang naitatalang pang-aabuso at karahasan ng Philippine National Police (PNP) sa mga kababaihan at kabataan mula ng ipatupad ang community quarantine.
Kabilang na rito ang ulat kaugnay sa sex for pass kung saan napipilitang pumayag ang mga babae sa sexual activities para palagpasin ng mga pulis sa checkpoint.