Senator Risa Hontiveros, muling iginiit ang pagtatalaga ng kalihim ng DA; Executive Sec. Vic Rodriguez, may alam umano tungkol sa Sugar Order No.4

Muling binigyang-diin ni Senator Risa Hontiveros na napapanahon na para magkaroon ng maayos at sariling liderato ang Department of Agriculture (DA).

Kaugnay na rin ito ng isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa iligal na Sugar Order No. 4 kung saan naharang ang importasyon ng 300,000 metriko toneladang asukal.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, ipinunto ni Hontiveros na kailangang-kailangan na talaga ng maayos na leadership sa DA matapos na magtalo ang mga pahayag nina Executive Secretary Vic Rodriguez at nagbitiw na si dating DA Usec. Leocadio Sebastian tungkol sa paglagda sa SO4.


Duda si Hontiveros sa paliwanag ni Rodriguez na walang authority si Sebastian na pumirma sa SO4 ‘in behalf’ kay Pangulong Bongbong Marcos gayong mismong si Rodriguez naman pala ang nag-isyu ng memorandum noong July 15, 2022 na nag-o-otorisa kay Sebastian na umupong ex-officio Chairman o member ng lahat ng komite, councils at boards kung saan myembro ang kalihim ng DA.

Lumalabas din na nitong August 5, 2022 ay nabigyan ng kopya ng draft ng SO4 si Rodriguez na siya rin namang inamin ng Executive Secretary pero ito ay taliwas sa naunang pahayag ng Malakanyang na walang alam si Rodriguez sa SO4.

Sa kabilang banda, dumipensa naman si Rodriguez na hindi siya sumasagot sa mga naunang follow up ni Sebastian dahil wala pang tugon ang pangulo sa umiikot noon na draft ng SO4.

Facebook Comments