Nanawagan si Senator Risa Hontiveros na mabigyan ng higit pang seguridad at proteksyon ang naiwang pamilya ng pinaslang na radio broadcaster na si Percy Lapid.
Ito ay dahil maging ang kapatid na si Roy Mabasa na isa ring journalist at mga anak ni Percy ay nakakatanggap na rin ng pagbabanta sa kanilang mga buhay.
Dumulog na kay Hontiveros ang pamilya Mabasa at dito ay inilahad na nakakatanggap na sila ng mga pagbabanta sa buhay mula sa mga text messages sa cellphone at maging sa kanilang mga social media account.
Hindi kumbinsido ang senadora maging ang pamilya Mabasa na “case solved” na ang pagpatay sa mamamahayag dahil ang utak sa likod ng pagpatay kay Percy ay patuloy pa ring nakakalaya kaya hiling ng mambabatas ang pagbibigay ng ibayo pang proteksyon para sa kaligtasan ng pamilya.
Umapela rin si Hontiveros sa publiko na huwag hayaang matahimik ang kaso at patuloy na kalampagin ang pagbibigay hustisya sa pamilya Mabasa.
Bagama’t nilinaw naman ng Philippine National Police (PNP) na hindi pa sarado ang kaso, nakiusap naman si Hontiveros sa mga otoridad na sa susunod ay maging maingat sa paglalabas ng mga pahayag.
Paliwanag ng senadora na ang ginawang pagdedeklara noong una ng PNP na naresolba na ang kaso gayong hindi naman talaga ay lalo lamang nakadagdag sa stress at paghihirap ng pamilyang naiwan.