Dumipensa si Senator Robinhood Padilla sa mga kritiko kaugnay sa kanyang iminungkahi kamakailan na gumamit ng ropeway o cable car para maibsan ang traffic sa Metro Manila.
Mababatid na sa nakaraang privilege speech ni Senator JV Ejercito kaugnay ng pagpapalakas sa railway system ng bansa ay tumayo si Padilla para suportahan at isulong ang paggamit ng cable car para maibsan ang problema sa mabigat na trapiko.
Ayon kay Padilla, hindi lang niya basta-basta hinugot sa kung saan ang ideyang gumamit ng cable car dahil may ginawang pag-aaral na rito ang nakaraang administrasyon.
Katunayan aniya ay may inaprubahan na proyekto para sa cable car system na maguugnay sa Marikina at Pasig City.
Dagdag pa ng senador na maging ang France aniya ay nagpahayag ng kahandaan para tumulong sa pagpopondo ng cable car project na tinatayang aabot sa $100 million.
Matatandaang inulan naman ng pagpuna at batikos mula sa mga netizens ang mungkahi ni Padilla na paggamit ng cable car bilang solusyon sa trapiko sa Metro Manila.