Senator Robin Padilla, kinumpirma ang mga naging pahayag ng Chinese ambassador tungkol sa “blacklisted” na ang Pilipinas sa turismo ng China dahil sa POGO

Sinuportahan ni Senator Robin Padilla ang naunang pahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa pagdinig ng Senado na sinabi sa kaniya ni Chinese Ambassador Huang Xilian na “blacklisted” na sa tourist destination ng China ang Pilipinas.

Kasama si Padilla at Senator Sherwin Gatchalian nang magtungo sa Senado si Ambassador Huang para sa mag courtesy call.

Kinumpirma ni Padilla na sa meeting nila kay Ambassador Huang ay sinabi nito na binalaan na ng kanilang pamahalaan ang kanilang mga kababayan na magtungo sa Pilipinas.


Malinaw aniyang inihayag ni Ambassador Huang na hindi pinapayagan ng China ang mga mamamayan nito na magsugal online, mamuhunan sa mga online gambling businesses, o magtrabaho sa mga online gaming businesses gaya ng POGO.

Sinabi pa aniya ni Huang na nakatutok ang pamahalaan ng Tsina sa mga posibleng krimen bunsod ng paglaganap ng patuloy na POGO operations sa Pilipinas.

Dagdag pa ni Padilla na binigyang-diin ni Huang na batay sa batas at regulasyon ng China, isang krimen para sa mga mamamayang Tsino ang pagsusugal sa ibang bansa, gayundin ang pagbubukas ng mga casino upang akitin ang mga Chinese bilang pangunahing mga customer.

Facebook Comments