Senator Robin Padilla, nanindigang walang babaguhin sa kanyang ugali

Nanindigan si Senator Robin Padilla na wala siyang babaguhin sa kanyang pag-uugali sa Senado sa kabila ng pagsita ng ilang beteranong senador sa kawalan ng decorum o tamang ugali at asal ng mga mambabatas sa Senado.

Ayon kay Padilla, wala siyang babaguhin sa kanyang pag-uugali sa Mataas na Kapulungan dahil naging malapit siya sa taumbayan sa pagiging totoo sa sarili.

Iginiit pa ng senador na wala rin siyang ginagawang mali at kapag binago niya ang kanyang kilos at asal ay posibleng lumayo ang mga sumusuporta sa kanya.


Dumipensa muli si Padilla sa kanyang ginawang pagsusuklay ng bigote sa gitna ng committee hearing sabay giit na walang masama rito at wala sa rules ng Senado na bawal ang kanyang ginawa.

Paliwanag ng mambabatas, kung lagi man siyang nagsasalita o nag-iingay sa kanilang sesyon ay dahil karapatan niya ito bilang senador at bilang boses ng taumbayan sa Senado.

Hindi rin umano siya tinamaan sa isyu ng kawalan ng decorum dahil wala naman siyang minura, wala siyang binastos at hindi naman siya basta maingay lang sa plenaryo.

Matatandaang napuna ni dating Senate Minority Leader Franklin Drilon ang kawalan ng decorum ng mga senador na nakakaapekto na sa pagbagsak ng reputastyon ng Senado bilang isang institusyon.

Facebook Comments