Senator Robin Padilla, napikon sa sagot sa kanya ng isang DFA official sa pagdinig sa 2023 budget

Napikon si Senator Robin Padilla sa isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa gitna ng budget hearing ng ahensya.

Tinanong ni Padilla si Foreign Affairs Usec. Edgardo de Vega kung paano ipatutupad ng ahensya ang arbitral ruling ukol sa West Philippine Sea (WPS) at kung paano rin pakikinabangan dito ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng Pilipinas at Estados Unidos.

Tugon ni De Vega, mayroong Visiting Forces Agreement (VFA) na nagtatakda ng patakaran para sa mga sundalong Amerikano na pupunta sa bansa batay sa MDT.


Hindi naman nagustuhan ni Padilla ang paraan ng pagtugon ni De Vega na nakangisi habang sinasabi na huwag mag-alala ang senador dahil lagi namang ipagtatanggol ng DFA at ng buong gobyerno ang Pilipinas mula sa sinumang lulusob, “maging sino man sila”.

Giit ni Padilla, hindi isyu sa kanya kung ano ang gagawin ng DFA dahil ang gusto niya malaman ay kung papaano maipatutupad ang arbitral ruling sa gitna ng dagat.

Tinawag ni Padilla na “barumbado” sumagot si De Vega at binigyang-diin na siya ay galangin bilang isang senador ng bansa.

Dinepensahan naman ni Senator Alan Peter Cayetano si De Vega na tumulong sa kanya sa isyu ng West Philippine Sea noong siya pa ang kalihim ng DFA at sinabing baka hindi nagustuhan ni Senator Padilla ang pag-ngiti ni De Vega na pangisi ang dating gayong ang totoo ay sadyang masayahin lang ito.

Agad namang humingi ng paumanhin si De Vega sa senador kasabay ng paliwanag na ang arbitral ruling ay ipatutupad sa pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan.

Facebook Comments