
Malungkot at depressed ang naramdaman ni Senator Robinhood Padilla nang ibasura ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) ang apela ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang interim release.
Ayon kay Padilla, umalis siya saglit sa plenaryo sa kalagitnaan ng budget deliberations upang panoorin kung mapagbibigyan ba ang petisyon para kay dating Pangulong Duterte.
Pero habang binabasa na ng hukom ang mga merito ng kaso, nasabi ni Padilla sa kanyang abogado na wala na at malungkot na siya dahil mananatili pa rin sa detensyon sa The Hague, sa Netherlands, si FPRRD.
Sinabi ni Padilla na umasa siyang papayagan ng ICC ang conditional release dahil hindi naman na banta si dating Pangulong Duterte at matanda na siya.
Plano ng senador na dalawin ang dating presidente sa The Hague kapag nag-break na ang session.









