Hindi minamasama ni Senator Robinhood Padilla ang nangyaring bangayan kahapon sa pagitan nina Senator Alan Peter Cayetano at Senator Nancy Binay.
Matatandaan sinabihan ni Cayetano si Binay na “Marites” at “buang” sa gitna ng pagdinig tungkol sa New Senate Building (NSB).
Para kay Padilla, wala siyang nakikitang “unparliamentary” partikular sa mga nasabi ni Cayetano at nauwi lamang sa personalan ang dalawa.
Katunayan aniya ay masaya pa siya sa ganoong klase ng talakayan dahil naipapakita na may “check and balance” ang mataas na kapulungan.
Naniniwala si Padilla na hindi makakaapekto sa imahe ng Senado ang nangyaring sagutan nina Cayetano at Binay at kung maaari lang aniya ay ganito rin ang maging palitan ng debate sa plenaryo.
Dagdag pa ni Padilla, maganda na maingay ang isang Kongreso pagdating sa debate dahil nagpapakita aniya ito na walang kuntsabahan o sabwatan ang mga mambabatas pero sana ay huwag mauwi sa personalan.