“State of the mind lang ‘yan.”
Ito ang tugon ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kasunod ng mga batikos sa kanyang “sarap ng buhay” joke matapos na maagang natapos ang sesyon ng Senado noong Martes, May 26, 2020.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Dela Rosa na bukod sa nasa bahay lang, maganda rin ang ginagamit nilang app kaya mabilis na natatapos ang pagtalakay nila sa mga panukalang batas.
Aniya, sa halip na maging negative, dapat ay manatiling positibo ang mga tao sa kabila ng nararanasang krisis ng bansa dahil sa COVID-19.
Ayon kay Dela Rosa, handa naman siyang personal na dumalo sa susunod na sesyon ng Senado matapos itong ipag-utos si Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Kabilang sa mga tinatalakay ngayon sa Senado ay ang isinusulong na extension sa validity ng Bayanihan Law at ang mga posibleng paghahanda sa recovery phase pagkatapos ng pandemya.