Lubos na nagpapasalamat si Senator Sonny Angara kay Pangulong Bongbong Marcos sa pagkakatalaga sa kanya bilang bagong Department of Education (DepEd) secretary kapalit ng nagbitiw na si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Angara, lubos siyang nagpapasalamat sa tiwalang ibinigay sa kanya ng pangulo at ang malaking responsibilidad na ito ay tinatanggap niya ng may kapakumbabaan at kahandaang gampanan ang tungkulin.
Tiniyak ni Angara ang kanyang pakikipagtulungan sa lahat ng sektor ng lipunan kabilang na ang kanyang predecessor na si VP Duterte para matiyak na ang bawat kabataang Pilipino ay may access sa dekalidad na edukasyon.
Handa na rin aniya siyang makatrabaho si Pangulong Marcos at ang buong administrasyon para pagsilbihan ang mga estudyante, suportahan ang mga guro at paghusayin pa ang kabuuang kalidad ng edukasyon sa buong bansa.
Matatandaang kahapon ay naunang naghayag si Angara na bukas siyang maging DepEd secretary lalo’t nasa huling termino na siya sa pagiging senador.
Si Angara ay nagtapos ng Masters of Law sa Harvard University, nagsilbi bilang senador mula 2013 hanggang sa kasalukuyan, naging kongresista ng Aurora mula 2004 hanggang 2013, at isa sa mga nagsulong ng mga batas sa edukasyon tulad ng Kabalikat sa Pagtuturo Act, Excellence in Teachers Education Act, Universal Access to Quality Tertiary Education Act o Free College Law, Student Fare Discount Act, K to 12, Open Learning and Distance Education Act, Anti-Bullying Act at marami pang iba.