Manila, Philippines – Sinamantala ni Senator Antonio Trillanes IV ang pagdinig sa proposed 2018 budget ng Department of Justice para isa-isang isumbat kay justice Secretary Vitaliano Aguirre ang mga negatibong sinabi nito laban sa kanya at sa mga taga-oposisyon.
May powerpoint presentation pa si Trillanes na nagpapakita sa media interviews kay Aguirre kung saan nito inihayag ang umano’y mga fake news at mali-maling mga impormasyon.
Diin ni Trillanes, mistulang isang scriptwriter si Aguirre na dinaig pa ang scriptwriter ng Game of Thrones.
Ipinaalala ni Trillanes ang sinabi ni Aguirre na may alam siya sa pananaksak kay Jaybee Sebastian sa loob ng Bilibid.
Gayundin ang pagtawag sa kanya at kina Senators Bam Aquino at Kiko Pangilinan ng gago dahil sa pag-aalok ng immunity sa dalawang dating commissioners ng Bureau of Immigration.
Pati na rin ang sinabi ni Aguirre na Korean mafia ang sangkot sa pagdukot sa koreanong si Jee Ick Joo na pinatay sa loob ng Camp Crame.
Tinukoy din ni Trillanes ang pahayag ni Aguirre na sina Kris Aquino, Laguna Congressman Lenlen Alonte at dating Senator Jamby Madrigal ay nag-aalok sa drug lords sa Bilibid ng 100 million pesos para bawiin ng mga ito ang testimonya laban kay Senator Leila De Lima.
Magkatuwang din na sinita ni Trillanes at Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon si Aguire dahil idinamay sila nito sa pork barrel scam kahit wala sila sa listahan ni Janet Napoles.
Katwiran naman ni Aguirre, ang kanyang mga pahayag ay galing sa affidavit ng mga indibidwal na sangkot sa isyu o kaya naman ay mula sa kanyang mga sources.
Bunsod nito ay pinagsabihan ni Finance Committee Chairperson Senator Loren Legarda si Aguirre na iwasan ang mga kontrobersyal na pahayag at berepikahin muna ang anumang impormasyong isasapubliko dahil laganap ngayon ang mga fake news at psywar.