Senator Trillanes, hinamon si Solgen Calida na ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya

Manila, Philippines – Hinamon ngayon ni Senator Antonio Trillanes IV si Solicitor General Jose Calida na ituloy ang banta nito na pagsasampa sa kanyang ng kasong perjury.

Ayon kay Trillanes, sa oras na makasuhan siya ay magkakaroon siya ng pagkakataon na magamit ang mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council o AMLC.

Sabi ni Trillanes, ang nabanggit na mga dokumentong ang magpapatunay na may bilyun-bilyong piso tagong yaman na pumasok sa account ni Pangulong Rodrigo Duterte.


Ipinaliwanag ni Trillanes na sa Bank Secrecy Law ay maari lamang magamit na ibidensya ang mga bank documents kapag may kaugnayan ito sa kasong impeachment o kaya ay kapag subject ito ng litigation o kaso sa korte.

Sabi pa ni Trillanes, bilang isang Pilipino ay may karapatan siyang humiling ng transparency, accountability at integridad mula sa Pangulo ng bansa.

Diin ni Trillanes, napakadali naman na pumirma si Pangulong Duterte ng waiver upang patunayan na wala siyang nakaw na yaman.

Facebook Comments