Manila, Philippines – Buo ang paniniwala ni Senator Antonio Trillanes IV na may nag-pressure sa broker na si Mark Taguba para iabswelto sina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at bayaw na si Atty. Manse Carpio.
Reaksyon ito ni Trillanes sa statement na inilabas ni Taguba kung saan nag-sorry ito kina Pulong at Atty. Manse kasabay ang paglilinaw na kahit kailan ay hindi niya idinawit ang mga ito sa anumang anomalya sa Bureau of Customs at sa nakalusot na shipment ng shabu galing sa China.
Giit ni Trillanes, malinaw sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na napanood ng taongbayan na sa palitan ng text messages niya at tita Nanie ng Davao Group ay dawit ang mga pangalan ni Pulong at Atty. Manse.
Diin pa ni Trillanes, hindi pinilit si Taguba na sabihin ang mga pangalan nina Pulong at Atty. Manse sa senate hearing.
Kaya naman ayon kay Trillanes hindi mababago ng written statement ni Taguba ang basehan kung bakit dapat paharapin sa pagdinig sina Pulong at mister ni Mayor Sara Duterte.
Inihalintulad pa ni Trillanes ang pahayag ni Taguba sa pakikipagkita ng magulang ni Kian Loyd Delos Santos kay Pangulong Rodrigo Duterte na wala ding epekto sa kaso ng pagpatay kay Kian.