Senator Trillanes, magsasampa ng plunder case laban kay Senator Gordon bukas

Manila, Philippines – Bukas ng umaga ay magsasampa si Senator Antonio Trillanes IV ng kasong plunder sa Ombudsman laban kay Senator Richard Gordon.

Ayon kay Trillanes, basehan ng kaso ang umano’y mga anumalya sa pondo ng Philippine National Red Cross kung saan si Gordon ang chairman.

Lumalabas sa mga dokumento ni Trillanes, na inilaan ni Gordon ang kanyang Priority Development Assistance Fund o PDAF sa Red Cross.


Paliwanag ni Trillanes, bilang chairman ng Red Cross ay si Gordon din ang namahala sa pag-disburse o paggastos sa nasabing salapi.

Ayon kay Trillanes, malinaw na ginamit ni Gordon ang pagiging senador at chairman ng Philippine National Red Cross para sa kanya umanong sariling interes.

Kasabay nito ay magsusumite din ng letter si Trillanes sa Commission on Audit o COA at sa International Federation of the Red Cross para hilingin na magsagawa ng special audit sa pondo ng Philippine Red Cross.

Samantala, inihahanda na rin ni Senator Trillanes ang kasong libel na isasampa laban naman sa blogger na si RJ Nieto kasunod ng paglathala nito ng fake news kung saan tinawag daw ni US President Donald Trump si Trillanes bilang ‘little narco.’

Facebook Comments