Tahasang sinabi ni Senator Antonio Trillanes na pinagdidiskitahan ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang ina na si Estelita, para takpan ang pagkatameme nito sa Recto Bank incident issue.
Tugon ito ni Trillanes sa pahayag ni Pangulong Duterte na sangkot ang kanyang ina sa maanumalyang transaksyon na pinasok umano noong 2001 ni pork barrel scam queen Janet Lim Napoles kaugnay sa pagbili ng P3.8 Billion na Kevlar helmets para sa militar.
Giit ni Trillanes, kasinungalingan ang paratang sa kanyang magulang kaya sa halip na matinag ay hinamon pa nito si Pangulong Duterte na ituloy ang imbestigasyon laban sa kanyang ina.
Paala ni Trillanes, paano madadamay ang ina niya sa nabanggit anumalya kung ang mga substandard na Kevlar helmets na yan ay isa sa mga inireklamo nila nung Oakwood incident.
Ipinunto ni Trillanes na kung may kinalaman ang magulang nya sa nabanggit na anumalya ay dapat nun pa lang ginamit na ito ni dating Pangulong Gloria Arroyo laban sa kanya.
Ayon kay Trillanes, hindi rin totoo ang kwento ni Pangulong Duterte na na- asign sa Philippine Military Academy ang kanyang ama na hindi na rin niya inabot sa serbisyo.
Dagdag pa ni Trillanes, huminto na ang kanyang ina sa pagnenegosyo bilang supplier sa Philippine Navy bago pa siya pumasok sa PMA at wala itong kinaharap na kahit isang kaso ng katiwalian hanggang ngayon na may sakit ito at bedridden na.