Senator Tulfo, nanawagan sa Simbahan Katolika na suportahan ang panukalang diborsyo

Nirerespeto ni Senator Raffy Tulfo ang iba’t ibang relihiyon sa ating lipunan, ang kanilang tradisyon, lalo na ang kanilang pagsisikap na mapatibay ang pagsasama ng mga mag-asawa, mapapatatag ang bawat pamilya at mapahusay ang pagiging magulang.

Paliwanag ni Tulfo, higit na nakakarami sa ating bansa ang mga pamilya at mag-asawa na masayang nagsasama pero hindi maikakaila na meron ding relasyon ng mag-asawa ang sira na, kalunus-lunos ang sitwasyon at hindi na maaring maayos o maisalba pa.

Ito ang dahilan kaya nananawagan si Tulfo sa iba’t ibang relihiyon tulad ng Simbahang Katolika na suportahan ang kanyang panukala ukol sa diborsyo.


Handa si Tulfo na ipaliwanag ang Divorce Bill sa panig ng simbahan lalo na kina Cardinal-Bishop Luis Antonio G. Tagle, Archbishop Jose F. Cardinal Advincula, at sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President Bishop Pablo Virgilio S. David.

Diin ni Tulfo, hindi na niya mabilang ang mga lumapit sa kanyang mag-asawa na may problema sa kanilang relasyon at karamihan sa kanila ay pabor naman sa paghihiwalay nang maayos sa pamamagitan ng annulment o legal separation ngunit wala silang pera pantustos sa mahal ng proseso nito kaya diborsyo ang pinakamainam na solusyon.

Giit ni Tulfo, dapat kilalanin ng ating mga batas na mayroon talagang mga mag-asawa na kahit anong remedyo ang gawin, ay hindi na talaga kayang magkasundo o magsama nang matiwasay kaya bakit pa sila papahirapan na maghiwalay.

Facebook Comments