Labis na ikinabahala ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva ang datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) na may 7.3 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho ngayong panahon ng pandemya.
Ikinalungkot ni Villanueva na dahil hindi naipasa ang Bayanihan 2 Bill ay hindi mabibigyan ng sapat na tulong ang mga manggagawang naapektuhan ng krisis dulot ng COVID-19.
Ang Bayanihan 2 Bill ay hindi sinertipikahan bilang isang urgent measure ng Malakanyang kaya hindi naihabol ang pagpasa nito bago nagsara ang first regular session ng Kongreso.
Sinabi ni Villanueva na bunga nito ay hindi rin agad magagamit ang kakapiranggot na ₱32 bilyong na inilaan ng Department of Finance (DOF) na tulong sa mga manggagawa.
Bunsod nito ay iginiit ni Villanueva sa pamahalaan na unahin ang kapakanan ng mga manggagawa lalo na’t gutom at lalong hirap ang kanilang mararanasan habang wala silang natatanggap na tulong.
Paalala ni Villanueva, ang hirap at pagod ng mga manggagawa ang mitsa sa muling pagsigla ng ating ekonomiya.