Senator Villar, kinastigo ang Philippine Carabao Center dahil sa hindi pagpapatupad ng 450-M pesos na dairy project

Nanggigil sa galit si Senator Cynthia Villar sa pagdinig ng pinamumunuan niyang Committee on Agriculture and Food kung saan sinermonan niya ng matindi si Philippine Carabao Center o PCC Executive Director Dr. Arnel del Barrio.

Ito ay dahil lumabas sa pagdinig na hindi naipapatupad ang P450 milyong dairy project para mapaigting ang produksyon ng gatas at mabigyan ng kabuhayan ang mga dairy farmers sa bansa.

Naglaan din si Villar ng P10 milyong piso sa pagtayo ng processing centers sa 28 lokasyon o kabuuang 280 million pesos para mas marami ang makainom ng gatas ng kalabaw na locally produced pero kung saan saan daw dinala ng PCC ang kanilang pondo.


Kinwestyon din ni Senator Villar ang 28 million pesos na alokasyon ng PCC sa milk feeding program na hindi naman aniya kasama sa trabaho nito.

Dismayado si Villar dahil nasira ang pangarap niyang matulungan ang mga nag-aalaga ng kalabaw at kanilang pamilya at para magkaroon ng access sa murang gatas ang mga bata sa mahihirap na pamilya.

Ayon kay Villar, .6 percent lamang ng demand natin sa gatas ang natutugunan ng lokal na industriya kung saan ang 99.4 percent dito ay binibili pa natin sa ibang bansa.

“Bakit naman ang production natin ng milk eh .6 percent ng kabuuang demand, 99.4 percent ay ini-import natin after 28 years, my God… nasanay ata kayo na kung saan-saan nyo dinadala ang budget nyo eh… galit na galit ako! galit na galit ako sayo, sinira mo yung pangarap ko para sa mga dairy farmers. Akala ko maiintindihan mo ako, hindi na nga ako humingi ng budget sayo yung pera ko na ginamit ko tapos ayaw mong gawin.” ang pahayag ni Senator Cynthia Villar.

Facebook Comments