Buo ang paniniwala ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na hindi na nakakahawa si Senator Sonny Angara kahit ito ay nagpositibo muli sa COVID-19 test matapos na siya ay gumaling na sa virus.
Diin ni Zubiri, maging sa ibang bansa ay nangyayari ang pagiging positibo sa COVID-19 test ng mga gumaling na sa virus.
Kumbinsido si Zubiri sa pahayag ng mga eksperto at sa mga artikulong lumabas, hindi lamang dito kundi maging sa ibang bansa, na tanging mga patay na virus na lamang ang nadi-detect ng test kaya nagpositibo ang ibang gumaling na.
Inamin naman ni Zubiri na siya ay sumailalim muli sa rapid test at masaya siya na nananatiling negatibo pa rin ang kanyang resulta.
Si Zubiri, Angara at Senator Koko Pimentel ay pare-parehong nagpositibo sa COVID-19 noong marso at silang lahat ay naka-recover na.
Samantala, sa Senado naman ay inaasahang magpapatuloy ngayong araw ang pagsalang ng mga empleyado sa rapid testing matapos ngang 18 na ang nagpositibo kahapon.
Ayon kay Senator Panfilo “Ping: Lacson, kinokontak na ng Senado ang pamilya ng nabanggit na mga nagpositibong empleyado ng Senado upang maisalang din sila sa rapid test.
Bukod sa nabanggit na 18 ay mayroon ng apat na naunang empleyado ng Senado o mga staff ng ilang senador ang naitalang nagpositibo sa virus at isa sa kanila ang nasawi.