Senatoriable Atty. Gadon, ibinunyag na ninakawan siya ng boto para paburan ang ilang administration bets

Tahasang inihayag ngayon ni Atty Larry Gadon na  tinapyasan ang kanyang nakuhang boto para  makinabang ang mga  kandidato ng administrasyon sa nawawala umano nitong boto.

 

Sa kaniyang statement sa  viber group, sinabi ni Gadon na kataka-taka na isang milyon lang ang naidagdag na boto sa nakuha niyang 2 milyong boto noong tumakbo siya sa pagka senador noong 2016.

 

Sabi ni Gadon na mas popular na siya ngayon at pinagkakaguluhan kahit saan magpunta maging sa social media kumpara sa ibang mga kandidato.


 

Aniya, naka-program na ang dayaan sa mga SD cards ng Smartmatic.

 

Sa kanyang pahayag iginiit ni Gadon na garapalan ang ginawa umanong pandaraya dahil mas grabe ang dagdag-bawas ngayon kumpara noong 2016.

 

Paliwanag ni Gadon, wala pa sa kalahati ng 1-percent ang nabibilang noong itinigil ng 1:19am at nagbilang muli ng alas-tres ng madaling-araw at umabot na agad sa 92-percent ang nabibilang.

 

Gayunpaman sinabi na agad ni Gadon na hindi na siya magsasayang pa ng pera at oras para lang magreklamo sa Comelec.

Facebook Comments