Senatorial Candidate Raffy Tulfo, hindi bibitawan ang Raffy Tulfo in Action kahit mahalal sa Senado; wage theft, isusulong niyang batas para parusahan ang abusadong mga employer

Walang balak ang batikang broadcaster na si Raffy Tulfo na bitawan ang kaniyang Raffy Tulfo in Action sa television at social media.

Ito ang ipinahayag ni Tulfo sa isang press briefing sa mga entertainment writer sa Quezon city.

Gayunman, sinabi ni Tulfo na sa sandaling makapagpatibay siya ng mga batas na susugpo sa mga abuso ng mga mahihina, posibleng ipahinga na niya ang pagiging sumbungan ng bayan.


Sakaling palarin siyang mahalal sa Senado, isusulong niyang maipasa ang wage theft bill na ang layunin ay patawan ng mabigat na parusa ang mga amo na kinukupit ang suweldo ng kanilang mga trabahador.

Aniya, pangunahing dahilan na nagtulak sa kaniyang lumahok sa Senatorial race ay ang bulok na sistema na patuloy na nagpapahirap sa mga mahihina at mahihirap.

Layon niya na mas mabigyan ng malawak na benepisyo sa batas ang bulnerableng sektor.

Maliban aniya sa pro-labor na legislation, tututukan din niya ang mga problema sa pamilya.

Facebook Comments