Nagpahayag ng suporta sina Senators Ronald “Bato” dela Rosa at Christopher “Bong” Go kay Vice President Sara Duterte matapos nitong magbitiw bilang Secretary ng Department of Education (DepEd) at bilang Vice Chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ayon kina Dela Rosa at Go, kapwa kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Senado, sa simula pa lang ay kilala na nila si VP Duterte sa pagsisilbi, dedikasyon at pagmamahal nito sa bansa.
Naniniwala si Dela Rosa na pinagisipang mabuti ni VP Sara ang kanyang pagbibitiw sa gabinete ni Pangulong Bongbong Marcos at tiyak na ikinonsidera nito sa kanyang resignation ang interes ng mga Pilipino.
Sinabi ng mambabatas na palagi niyang susuportahan ang Bise Presidente anuman ang maging pasya nito sa hinaharap para mas mapagsilbihan ng husto ang bansa, anuman ang maging tungkulin at posisyon ni Duterte.
Nagpasalamat din si Go sa patuloy na pagganap ni Duterte bilang Pangalawang Pangulo ng bansa at sa wala nitong tigil na pagmamalasakit sa mga Pilipino.
Tiniyak naman ni Go na kaisa siya ni VP Duterte lalo na sa hangaring ihatid ang tunay na malasakit sa mga guro at mga magaaral kahit hindi na ito ang DepEd Secretary.