Senators Bato dela Rosa at Bong Go, pwedeng depensahan ang mga sarili sa war on drugs probe sa Lunes

Bibigyan ng pagkakataon sina Senator Ronald “Bato” dela Rosa at Senator Christopher “Bong” Go na depensahan ang kanilang mga sarili sa gaganaping pagdinig ng Senado tungkol sa war on drugs ng dating Duterte administration sa October 28.

Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, tatayong chairman ng Blue Ribbon na siyang mangunguna sa drug war probe, magsisilbing miyembro ng komite sina Dela Rosa at Go bilang mga kapwa senador.

Aniya, bibigyan ng limang minuto kada round ang mga senador para dumipensa o sagutin ang mga alegasyong ibinabato sa kanila ng mga haharap na resource persons.


Maaari ding gamitin ang oras na ito para basahin ang kanilang statement o magtanong sa mga resource person dahil ito naman ay “in aid of legislation” at hindi isang paglilitis sa korte.

Sinabi ni Pimentel na maaari din siyang magtanong kina Dela Rosa at Go subalit hindi niya mapupwersa ang mga ito na sumagot.

Pagtitiyak pa ni Pimentel, hindi magiging bias ang pagdinig ng Blue Ribbon dahil babatay sila sa mga ebidensyang ipiprisinta.

Facebook Comments