Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva, hindi pa lusot sa mga akusasyon ng maanomalyang flood control projects

Hindi pa rin maituturing na “safe” o ligtas na sa isyu ng budget insertions sina Senator Jinggoy Estrada at Senator Joel Villanueva.

Ito ay dahil kinumpirma ni Senate President pro-tempore Ping Lacson na natagpuan nila ang ₱600 million na budget insertions sa flood control projects ng Bulacan sa 2023 national budget na iniuugnay kay Villanueva habang ang ₱355 million na ikinakabit sa pangalan ni Estrada ay nakumpirmang nasa ilalim ng 2025 national budget.

Ayon kay Lacson, maaaring selective o may pinipili ang memorya ni dating DPWH-Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez sa pagdawit sa dalawang mambabatas.

Gayunman, hindi naman ibig sabihin nito ay “cleared” o lusot na ang dalawa matapos makumpirma ang mga nabanggit na pondo ng flood control sa dalawang magkaibang taon ng pambansang budget.

Dumipensa naman si Lacson sa pagpapahintulot kina Estrada at Villanueva na komprontahin ang mga nagdawit sa kanila sa katiwalian sa flood control projects.

Pagdidiin ng senador, ordinaryo man o senador ay pangunahing karapatan na tanungin ang mga nagpaparatang sa kanila.

Facebook Comments