
Sa pagdinig ng House Infrastructure Committee ngayon ay nabunyag ang pagtanggap umano nina Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva ng 30 percent na kickback mula sa pondong nakalaan sa flood control projects.
Laman ito ng binasang salaysay ni dating Bulacan First District Engineering Office Assistant District Engineer Brice Hernandez sa pagdinig ng komite.
Ayon kay Hernandez, sa 2025 budget ay nagbaba umano si Estrada ng 355 million pesos para sa mga proyektong kinabibilangan ng flood mitigating structure, pumping station at floodgate sa Hagonoy, Calumpit at Malolos City, at mga driver mismo nila ang naghatid ng 30 percent na kickback ni Estrada sa kausap nila.
Ibinunyag naman ni Hernandez na noong 2023 ay nagbaba si Senator Villanueva ng 600 million pesos para sa flood control projects sa Bocaue at Balagtas sa Bulacan.
Ayon kay Hernandez, ang 30 percent umanong kickback ni Villanueva ay inihatid ni dating District Engineer Henry Alcantara sa kanyang tirahan sa Bocaue.
Sabi ni Hernandez, marami pa siyang isisiwalat pero nais muna niyang kausapin ang kanyang abogado at humingi rin siya ng sapat na oras.









