Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada, hindi pwedeng pigilang humarap sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee

Hindi maaaring pigilan o pagbawalan sina Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada na lumahok at makapagtanong sa mga resource person sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee patungkol sa maanomalyang flood control projects.

Binigyang-diin ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Ping Lacson na desisyon na ng dalawang mambabatas kung mag-inhibit sila sa kaso bilang delicadeza, lalo’t dalawa sila sa mga mambabatas na idinadawit sa ghost projects sa Bulacan.

Inihalimbawa ni Lacson na ang pagdinig ng Senado ay katulad sa hukom na binibigyang laya ng korte kung mag-inhibit sa kaso na maaaring may kaugnayan sa kanila.

Sa pagdinig noong Martes sa Senado ay hindi nakadalo sina Villanueva at Estrada dahil humarap naman sila sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Taguig.

Samantala, ipagpapatuloy ngayong araw ang ika-anim na pagdinig ng Blue Ribbon Committee at inaasahang haharap at magsasalita na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo na itinuturong nagpapasok ng listahan ng mga ghost flood control projects sa national budget at kumukubra ng kickback ng mga senador.

Facebook Comments