
Nagpaliwanag sina Senator JV Ejercito at Senate Majority Leader Migz Zubiri tungkol sa pagbawi nila sa lagda sa draft committee report ng Blue Ribbon Committee (BRC) sa ginawang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.
Bukod sa dalawang senador, kasama rin sa bumawi ng kanyang lagda sa partial committee report si Senator Sherwin Gatchalian.
Sinabi ni Ejercito na matapos mabasa ang dokumento ay gusto nilang i-review muna ang draft ng committee report.
Hindi pa naman aniya kumpleto talaga ang report kaya binawi muna nila ang kanilang lagda.
May group din aniya sila kay BRC Chairman Ping Lacson kung saan may mga addendum o mga dagdag pa na gustong maisama sa committee report kaya gusto muna nilang makita ng buo bago sila pumirma.
Nauna namang sinabi ni Zubiri na masyado pang maaga para pumirma sa committee report na isinasapinal pa lang.
Kinumpirma naman ni Lacson na sa tatlong nag-withdraw ng pirma may tatlo pang senador ang natirang nakalagda sa draft committee report, sina Senators Bam Aquino, Risa Hontiveros, at Kiko Pangilinan.
Sa draft committee report, inirekomendang kasuhan sa flood control projects anomaly sina Senators Jinggoy Estrada, Joel Villanueva at Chiz Escudero kasama sina dating Senator Bong Revilla, dating Cong. Zaldy Co, dating Congw. Mitch Cajayon at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.










