
Patay ang isang senior citizen at dalawang kasamahan nitong minero matapos matabunan ng lupa sa umano’y ginagawang ilegal na treasure hunting activity o pagmimina sa Barangay Ibo, Malalag, Davao del Sur.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Malalag Municipal Police Station, napag-alamang pagmamay-ari ng isang alyas “John”, 67-anyos, ang naturang minahan at pinagangasiwaan ito ng kontraktor na kinilalang si alyas “Jerson”, 50-anyos.
Sa interview ng DXDC RMN Davao sa kontraktor, mahigit dalawang buwan na silang naghuhukay sa naturang lupa sa pag-asang makakita ng ginto.
Humingi rin ito ng patawad sa pamilya ng mga biktima at nangakong handa itong magbayad ng kaukulang halaga.
Sa ngayon, patuloy at pahirapan pa rin ang pagrekober sa mga biktima dahil umabot ang lalim sa butas ng lupa sa tinatayang 80 hanggang 100 talampakan.
Nasa kustodiya na rin ng kapulisan ang naturang may-ari at kontraktor ng minahan para sa tamang disposisyon.









