Senior citizen na may asthma, ‘tinanggihan’ ng 6 na ospital, namatay sa bahay

NUEVA ECIJA– Idinetalye ng isang residente mula sa Cabanatuan City ang naging karanasan matapos tanggihan ng anim na pagamutan ang kaniyang namayapang tatay dahil puno na raw sila ng pasyente.

Kuwento ni Girlie Cabling-Cagaoan, idinaing ng amang si Ladislao Cabling na nahihirapan siyang huminga noong gabi ng Abril 8.

Sakay ng barangay rescue vehicle, isinugod muna ang 65-anyos na magsasaka sa isang pribadong ospital pero agad silang sinabihan na walang bakante sa ICU.


Inakala rin ng staff doon na may COVID-19 ang padre de pamilya.

Makailang beses daw silang nagpalipat-lipat ng ospital subalit iisa lamang ang tugon ng medical personnel: kulang sa gamit o hindi na kayang sumuri pa ng pasyente.

“Kitang-kita po nila ‘yung tatay ko na hirap na hirap. Wala pong nagbigay kahit isa sa kanila na first aid sa tatay ko,” pahayag ni Girlie tungkol sa amang may asthma.

“Wala na po kaming nagawa. Sabi niya, umuwi na lang ika tayo. Wala pong araw, oras po [namaalam na siya]… Naawa po siguro siya sa sarili niya,” ayon pa sa anak.

Pumanaw ang senior citizen kalaunan na hindi man lang natitingnan ng isang espesyalista.

Dahil sa insidente, nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na sususpendihin ang mga ospital na tatangging tumanggap ng indibidwal na maysakit, may sintomas man ng COVID-19 o wala.

“Alam ninyo mali ‘yan. So ‘pag totoo ‘yan, I will really ask the Justice Department to prosecute you…  You could just have looked for a house diyan, or kuwarto adjunct sa hospital at i-sanitize na ninyo at doon niyo na nilagay,” ani PRRD sa talumpati niya, Lunes ng gabi.

“Lahat ng magkasakit… heart attack, appendicitis, pumutok ‘yung utak, especially government hospitals, my order is must accept admission. You fail on that, I will relieve all of you sa hospital. And you can consider yourself suspended, because the written order will follow,” babala pa ng Presidente.

Facebook Comments