
Matagumpay na naaresto ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang senior citizen na nag-amok sa Brgy. Loyola Heights, Quezon City, dahil sa matagal nang sama ng loob sa kapitbahay.
Kinilala ang suspek na si alyas Alexander, 64 taong gulang, at residente ng nasabing lugar.
Ayon sa ulat, lumabas umano ang suspek mula sa kanyang bahay at ilang beses na nagpaputok ng baril.
Hindi pa umano nakuntento ang suspek at sinindihan ang isang butane torch malapit sa Ford EcoSport na sasakyan ng biktima, saka ito pinagbabaril nang ilang beses bago tumakas sakay ng kanyang Honda Civic.
Agad namang ipinaalam ng mga nakasaksi sa Anonas Police Station 9 ang insidente kaya nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad. Naaresto ang suspek sa harap ng Baesa Town Center, Brgy. Baesa, Quezon City.
Lumalabas sa imbestigasyon na may matagal nang sama ng loob ang suspek sa biktima dahil sa umano’y akusasyon ng internet hacking.
Narekober mula sa suspek ang isang Honda Civic, isang cal. .45 pistol, limang piraso ng magazine, 39 na piraso ng bala ng cal. .45, anim na piraso ng cal. .45 practice bullets, ₱33,000 cash, isang unit ng iPhone 17, tatlong keypad phones, isang pocket knife, isang unit ng Sony recording device, driver’s license, permit to carry ID, firearm registration ID, License to Own and Possess Firearm (LTOPF) ID, at isang TIN ID.
Haharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 11926 o Willful and Indiscriminate Discharge of Firearms, Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Malicious Mischief.










