Senior Citizen Partylist at Duterte Youth Partylist, ipinapoproklama na ng Kamara sa Comelec

Hiniling na ng liderato ng Kamara sa Commission on Election (COMELEC) na mag-isyu na ng Certificate of Proclamations  (COPS) para sa mga first nominees na kakatawan sa Senior Citizen Partylist at Duterte Youth Partylist sa Kamara.

 

Ang senior citizen at Duterte Youth ay kabilang sa nanalo sa 61 seats sa Kamara na kumakatawan sa iba’t ibang partylist.

 

Sa House Resolution 552 na inihain ni House Speaker Alan Peter Cayetano, House Majority Leader Martin Romualdez, House Minority Leader Benny Abante at iba pang house leaders, inuudyukan nito ang Comelec na iproklama na sa lalong madaling panahon ang mga kongresista ng dalawang partylist.


 

Nakasaad sa resolusyon na sa anim na buwan na hindi naipoproklama ang mga kinatawan ng dalawang partylists ay patuloy na pinagkakaitan ng due process ang mga ito gayundin ang karapatan ng mahigit 800,000 mga pilipino na bumoto sa kanila.

 

Binigyang diin pa na isa rin itong paglabag sa mandato ng Comelec at sa saligang batas na dapat ay 20% sa mga kongresista ay binubuo ng mga partylist representatives.

Facebook Comments