SENIOR CITIZEN, PATAY SA INSIDENTE NG HIT-AND-RUN SA SAN FABIAN

Isang babaeng senior citizen ang nasawi matapos masagasaan sa isang insidente ng hit-and-run sa San Fabian, Pangasinan pasado alas siete kagabi, Nobyembre 26, 2025.

Ayon sa imbestigasyon, naglalakad ang biktima sa gilid ng kalsada patungong hilaga nang mahagip umano ng isang sasakyan na nagpumilit dumaan sa kanang bahagi habang nag-o-overtake.

Dahil sa matinding pinsalang tinamo, isinugod ang biktima sa pagamutan sa Dagupan City ngunit idineklara ring dead on arrival ng doktor.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang naturang sasakyan patungong hilaga.

Nagsagawa ng hot pursuit ang San Fabian Police at nakipag-ugnayan sa mga katabing bayan para sa agarang pagdakip sa suspek.

Kalaunan ay iniulat ng Santo Tomas MPS sa La Union na boluntaryong sumuko ang 44-anyos na driver mula Caba, La Union.

Dinala ang suspek at ang sasakyan sa San Fabian MPS para sa wastong disposisyon at pagpapatuloy ng imbestigasyon.

Facebook Comments