Thursday, January 15, 2026

SENIOR CITIZEN SA MANGALDAN, NAHULIHAN NG ILIGAL NA DROGA

Nahulihan ng hinihinalang shabu ang isang 60-anyos na senior citizen matapos maaresto sa ikinasang buy-bust operation sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan, gabi ng Enero 14, 2026.

Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas-siete hanggang alas-otso ng gabi nang magsagawa ng operasyon ang Mangaldan Municipal Police Station, katuwang ang iba pang yunit ng Pangasinan Police Provincial Office at sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1.

Nakumpiska mula sa suspek ang nasa kalahating gramo ng hinihinalang shabu na may halagang ₱3,400.00, na nakasilid sa apat na plastic sachet.

Nasamsam din ang perang ginamit sa operasyon, isang pouch, at isang cellular phone.

Isinagawa ang marking at inventory ng mga ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa presensya ng mga mandatoryong saksi at ng suspek, alinsunod sa itinakdang pamamaraan ng batas.

Ang suspek, na nagtatrabaho bilang glass installer, ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya at haharap sa kaukulang kaso kaugnay ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments