Manila, Philippines – Inaprubahan sa House Special Committee on Senior Citizens ang panukala na magkakaloob ng cash gift sa mga senior citizens mula edad 85 taong gulang hanggang 100 taong gulang.
Layunin ng panukala na maibalik sa mga senior citizens ang tulong na naibigay sa komunidad at sa mga matatanda na hindi nakakatanggap ng pensyon.
Inaamyendahan ng panukala ang Section 2 ng ‘Centenarians Act of 2016’ kung saan ang mga senior citizens na may edad 85, 90 at 95 taong gulang ay mabibigyan na ng cash gift bukod pa ito sa cash gift na natatanggap ng mga matatandang umabot sa 100 ang edad.
Sa ilalim ng panukala, ang mga senior citizens na may edad 85 ay makakatanggap ng P25,000, ang mga 90 taong gulang ay mabibigyan din ng P25,000 at ang mga seniors na may edad 95 taong gulang ay makakatanggap ng P50,000 cash gift.
Otomatiko naman na makakatanggap ng P100,000 ang mga centenarians kalakip ng plaque o liham ng pagkilala mula sa pamahalaan.
Sakop ng panukala ang mga Filipino senior citizens na dito o sa abroad man naninirahan.