Senior high school program sa K to 12, pinaaalis ng isang senador

Pinatatanggal ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada ang mandatory senior high school (SHS) level sa K to 12 program.

Nakapaloob ito sa Senate Resolution 3001 na layong amyendahan ang Republic Act 10533 o ang Rationalized Basic Education Act.

Sa panukalang amyenda ay ibabalik ulit sa apat na taon ang secondary education at inaalis na ang dalawang taon na senior high school education.

Inaatasan ang Department of Education (DepEd) na bumalangkas ng rationalized basic education curriculum at para epektibong mailatag ang curriculum ay isasailalim muna ito sa konsultasyon sa mga ahensya ng gobyerno at stakeholders.

Tinukoy ni Estrada na sa loob ng 12 taon na ipinatupad ang SHS ay samu’t saring batikos at pagtutol mula sa iba’t ibang sektor ang naibato sa programa at hindi rin nakamit ang layunin nito na mabigyan ng trabaho ang mga K to 12 graduates.

Sa halip na makatulong ay patuloy na naging pasanin lamang ito sa mga estudyante, mga magulang at sa mga guro.

Facebook Comments